Ang Sawi
ni Erika Jane C. Domingo
ni Erika Jane C. Domingo
Gabi ng ika-10 ng Nobyembre natagpuang walang buhay ang
biktimang si Ginoong Throsel, isang
negosyante, sa isang abandonadong bahay
dahil sa saksak sa dibdib.
FLASHBACK, Nagsimula ang lahat noong sila’y bata pa lamang. Si Pettia ang may pinakamaunlad na pamumuhay sa kanilang magkakaibigan. Madalas ay may ibinibigay siyang regalo sa kanyang mga kaibigang sina Lhorida, Woldetu at Throsel. Mula sa mga simpleng candy, hanggang sa mga laruang talaga namang ikinatutuwa ng bawat isa.
“Wow Pettia napakasarap naman nitong butter ball pwede bang magdala ka ulit bukas?” pakiusap ni Lhorida.
“Napakatakaw mo naman Lhorida!” asar ni Wodeltu.
Natawa si Pettia sa dalawa. “Hayaan niyo magdadala ulit ako
niyan bukas,” ani Pettia habang may ngiti sa mga labi.
“Yehey! Pwede bang mga sampu para sa akin?” masayang tanong
ni Wodeltu.
“Eh mas matakaw ka pa pala sa akin Wodeltu! Kung makapanlait
ka naman sa akin, lima lang naman ang kinain ko kanina” sagot ni Lhorida.
“Hay nako huwag na kayong mag-away, magdadala na lang ako ng
isang pakete niyan bukas,” paliwanag ni Pettia.
Nagtawanan ang tatlong magkakaibigan habang kumakain ng butter ball.
Napansin ni Pettia na walang imik si Throsel habang silang
tatlo’y nagkakasiyahan.
“Huy! Nakatulala ka na naman diyan Throsel. Ano ba yang
inisiip mo?” tanong ni Pettia habang pilit na inilalagay sa bibig ni Throsel ang
butter ball.
“Ah wala, wala lang. Hindi lang talaga ako mahilig sa
matatamis na pagkain,” tugon ni Throsel na pilit iniiiwasan ang pagkain. “Ah sige
uwi muna ako sa amin,” sagot niya at naglakad na papaalis.
“Saglit! Kung gusto mo, ipagdadala na lang kita bukas ng…
ahh… ano ba gusto mo?” malakas na sigaw ng maliit na boses ni Pettia kay
Throsel habang naglalakad ito papalayo.
“Kahit ano!” pasigaw na tugon ni Throsel upang marinig ni
Pettia.
Sa totoo lang, ang bawat regalo na maihahandog ni Pettia sa mga kaibigan ay nakakapagpapainit ng ulo ni Throsel. Dahil sa kanyang sobrang kahirapan, wala man lang siyang maibigay na regalo sa mga kaibigan, ‘di gaya ni Pettia na napakayaman na kayang ibigay ang kahit anong naisin ng kaibigan. Kaya’t kinaaawaan niya ang kanyang sarili. Para sa kanya siya ay walang kwentang kaibigan.
Ilang taon ang nakalipas. 4th year high school si
Pettia ng pumanaw ang kanyang ina dahil sa kanser. Wala siyang itinuring na ama
pagkat ng mabuntis nito ang kanyang ina’y iniwan na lamang niya ito dahil
nalaman niyang may iniindang nakamamatay na karamdaman ang kasintahan.
Ipinamana ng kanyang ina ang lahat ng yaman nito sa nag-iisa
niyang anak at sinabihang magsimula ng bagong buhay at ipagpatuloy ang kanilang
negosyo sa hacienda bago pa man tuluyang bawian ito ng buhay.
“Magpakatatag ka Pettia, kaya mo ‘yan,” malumanay na sabi ni
Lhorida habang niyayakap si Pettia.
“Ilang buwan na lang matatapos ka na sa
high school. Pag-igihan mo lalo ang pag-aaral. Alam mo namang maunlad na buhay
ang pangarap ng iyong ina para sa iyo,”
“Pettia, nandito lang kami lagi para sa’yo. Tutulungan ka
naming magsimula ng bagong buhay,” dagdag pa ni Wodeltu upang pasayahin ang
kaibigan.
Saglit na napuno ng katahimikan ang ospital.
“Masakit talagang mawalan ng minamahal sa buhay Pettia,”
paliwanag ni Throsel na may hindi maintindihang kalungkutan sa mukha.
Sa tulong ng mga kaibigan ay naka move on rin si Pettia sa pagkamatay ng ina.
Makalipas ang tatlong buwan, nagdiwang ang lahat nang makapagtapos si Pettia ng
high school. Siya ang Valedictorian ng kanilang batch.
“Oy Throsel! Anong meron bakit bihis na bihis ka? Parang
artista ah,” puri ni Wodeltu na nakasuot lamang ng simpleng damit.
Ngumiti lang si Throsel na may halong pagkasabik bilang
tugon.
“Nandiyan na si Pettia!” ani Lhorida.
Napatingin ang lahat sa kanya.
Binati siya ng lahat nang Congratulations!
Naglakad papalapit sa mga kaibigan si Pettia na may kasamang
matangkad at guwapong lalaki.
“Bago magsaya ang lahat,” tumahimik ang magkakaibigan “gusto
ko lang ipakilala sa inyo si Dunrid.”
Kumaway ito sa magkakaibigan ng may nakakahawang mga ngiti.
“Siguro ito na ang tamang panahon para sabihin ko sa’yo
ito,” tumitig si Pettia sa mga mata ng binata. “Dunrid, ang taong ibig kong
makasama habang buhay,” ang sinabing ito ni Pettia ay hindi lamang ikinagulat
ng magkakaibigan ngunit pati na rin ng ginoo, “gusto ko lang sabihin na oo
sinasagot na kita!”
Niyakap ni Dunrid si Pettia sa sobrang tuwa. Napuno ng ngiti
ang mga labi ng bawat isa.
Di kalaunan, nang sinubukang paaminin ang magkakaibigan, sinabi
ni Wodeltu ang kanyang lihim na pagtingin kay Lhorida.
Sa sobrang kasiyahan ng lahat, hindi nila napansing wala na si
Throsel.
Nang magsimula ang bagong school year,
si Throsel, ang pinakamatanda sa grupo, ay may trabaho na samantalang unang
taon pa lamang ni Pettia sa kolehiyo at ang magkasintahang sina Wodeltu at Lhorida
naman ay nasa ikatlong taon na.
Nalaman ni Throsel na tatlong buwan nang nagdadalantao si
Pettia.
Ang pagbubuntis ni Pettia ay nagdulot ng pagtigil nito sa
pagpasok sa kolehiyo. Inalagaan ng magkakaibigan si Pettia.
Nagpapahinga sa kanilang tahanan si Pettia nang may tumawag
sa telepono.
“Magandang hapon ho,” bati ng isang hindi kilalang boses sa
telepono.
“Magandang hapon sino po sila?” magalang na tanong ni
Pettia.
“Kayo ho ba si Ginang Pettia?” tanong ng nasa kabilang
linya.
“Opo, bakit ho kayo napatawag?” sagot ni Pettia na sinundan
ng isang tanong.
“Kaanu-ano niyo ho si Ginoong Dunrid?” tanong ng kausap sa
telepono.
“Nobyo ko siya. Bakit, ano po bang nangyari?” nag-aalalang
tanong ni Pettia.
“Ikinalulungkot ko hong sabihin na ang nobyo niyo ay pumanaw
na. Alam ko pong mahirap para sa inyo ngunit hit and run po ang ikinamatay niya. Dead on arrival na ho siya nang dalhin sa ospital.”
Halos ikamatay
ni Pettia ang narinig na balitang ito.
Sinabi ng nasa kabilang linya ang iba pang detalye ukol sa
ospital kung saan isinugod ang kanyang nobyo. Dali-daling pinuntahan ito ni
Pettia at ipinaalam ang nakalulungkot na balita sa mga kaibigan.
“Paano na ang magiging anak namin?” nanginginig na boses ni
Pettia na damang dama ang kawalan ng pag-asa.
“Makaka move on ka
rin, huwag kang masyadong malungkot, masama yan para sa baby” pilit na pinapagaan
ni Throsel ang loob ni Pettia.
“Kung sino man ang pumatay sa iyong nobyo, siguradong
malalagot siya!” galit ng galit nasabi ni Wodeltu.
“Tama na!” hagulgol si Lhorida, “wag mo nang dagdagan pa ang
problema Wodeltu,” ani Lhorida habang bumuhos ang luha.
“Pasensiya na kayo at nadadamay pa kayo sa problema ko,”
paumanhin ni Pettia. “Pero salamat na rin dahil narito kayong lahat para sa
akin.”
Ipinanganak ni Ginang Pettia si Kiapry. Isang napakabait na batang lalaki. Mahal na mahal niya ang kanyang ina. Lumaki ito na may angking galing sa pagluluto at busilak na puso. Namana rin niya ang angking talino ng ina.
“Dahil
wala na si Daddy, ipinapangako kong poprotekhan ko kayo habang buhay!” ani
Kiapry at niyakap siya ng kanyang ina.
Naging isang sikat na tagaluto si Kiapry. Ang huling habilin ng ina ni Pettia
na mapaunlad ang hacienda ay natupad niya. Dahil sa ganda ng ani sa hacienda,
nakatutulong ito upang makamura sa gastusin ng mga rekadong gagamitin niya sa munting
kainan na naipatayo ng mag-ina.
“Napaka suwerte mo naman sa anak mo Pettia!” sabi ni Ginang
Lhorida.
“Ang sarap magluto ni Kiapry,” dagdag ni Ginoong Wodeltu
“kain lang kayo ah napakasarap ng pagkain hindi ba?” sabi nito sa mga customer.
Tuwang tuwa naman si Ginang Pettia sa masipag niyang anak.
Sa paglipas ng araw, napansin ni Kiapry ang madalas na pag-alis ng ina. Binalewala na lang niya ito dahil ayaw niyang makialam pa sa mga intindihin ng kanyang ina.
Ika-1 ng Nobyembre, binisita ng mag-ina ang kanilang ama sa sementeryo. Sa paglipas ng panahon, ang poot na nadarama nila sa pagkawala ng kanilang padre de pamilya ay humupa unti-unti hanggang sa saya na lamang ang nadarama. Saya pagkat alam nilang nasa langit na siya. Nagpasalamat sila na kahit wala na ang kanilang padre de pamilya, patuloy nitong ginagabayan ang mag-ina upang magkaroon ng maayos na buhay.
Masayang masaya ang mag-ina sa pagkain ng masasarap na
putaheng niluto ni Kiapry.
Kinabukasan, laking gulat ni Kiapry, wala ang ina nito sa kanilang bahay.
“Saan kaya nagpunta si ina?” tanong ni Kiapry.
Ipinagpatuloy ni Ginang Pettia ang imbestigasiyon sa
pagkamatay ng asawa. Inabot man ng ilang taon bago mahanap ang tunay na
salarin, sa wakas lumabas na ang resulta.
“Ano? Si- si Throsel!” hindi ito makapaniwala na ang
kaibigang si Ginoong Throsel pala ang pumatay sa kanyang nobyo.
Pumunta si Ginang Pettia sa dati nilang tagpuan upang kitain
si Ginoong Throsel upang linawin ang resultang lumabas na imbestigasiyon.
“Throsel totoo ba? Ikaw ba ang pumatay sa nobyo ko?”
Nanatiling tahimik si Ginoong Throsel sa tanong ni Pettia.
“Hindi ko sinabi sa mga kaibigan natin ang naging resulta ng
imbestigasiyon. Sa dinami dami ba naman ng taong pwedeng pumatay sa kanya,
bakit ikaw pa? Tanggap kong wala na siya, pero ang hindi ko tanggap ay ikaw!
Ikaw na kaibigan ko ng ilang taon,” nagsimulang tumulo ang luha ni Ginang
Pettia. “Paano mo nagawang patayin ang nobyo ko?”
Tumawa si Ginoong Throsel bilang pagtugon na ikinagulat ni
Ginang Pettia.
“Bawat araw ay nagdurusa ako,” nagsimulang magsalita ang
salarin. “Bawat ngiti ko ay pagkukunwari. Dinurog mo ang aking puso. Dahil sayo
nawalan ako ng tiwala sa sarili,” ani Ginoong Throsel.
“Akala ko kaibigan kita,” malungkot na tugon ni Ginang
Pettia.
“Oo! Dati. Natutuwa pa ako sa’yo noon pero ngayon
kinamumuhian na kita!” sigaw ni Ginoong
Throsel na ikinatakot ni Ginang Pettia. “Nagsisisi na akong hinayaan kong
ipinakilala ako nina Wodeltu at Lhorida sa’yo,” pag-amin ni Ginoong Throsel.
“Nandito ako ngayon para patawarin ka. Pero –” mga luha’y
bumuhos mula sa mga mata ni Ginang Pettia “Pero hindi ka yata karapat dapat sa
pagpapatawad ko.”
Ang sinabi ni Ginang Pettia ay ikinalito ni Ginoong Throsel,
“Pagpapatawad? Kahit kailan hindi ako
humingi ng tawad mo!” tugon ni Ginoong Throsel nang nakatawa.
“Anong klase kang tao? Anong klase kang kaibigan?” galit na
tugon ni Ginang Pettia.
“Sawang sawang sawa na ako! Sawa na ako sa pangmamaliit mo
sa akin! Simula pa dati! Hanggang
ngayon ba naman? Hindi na ako yung kaawa-awang
bata gaya ng dati, isa na akong mayamang negosyante! Hindi na ako yung batang
palagi nalang binibigyan ng sorpresa, ngayon ako na ang magbibigay sa’yo ng
sorpresa!” kinuha ni Ginoong Throsel ang baril sa kanyang bulsa at itinutok kay
Pettia.
“Kahit kailan, hindi kita nagawang maliitin. Itinuring ko
kayong lahat na tunay kong kaibigan…” linaw ni Ginang Pettia.
“Anuman ang sabihin mo, huli na ang lahat. Surprise!” ipinutok ni Throsel ang baril
kay Ginang Pettia at tumulo ang luha sa kanyang mga mata.
Samantala, ang binatang naiwan sa bahay ay may nakitang mga
dokumento. “Ano naman kaya ito,” sinubukang basahin ni Kiapry ang mga papeles
na nagkalat sa sahig “ngayon ko lang ito nakita. Dokumento tungkol sa
pagkamatay ni tatay? Matagal nang patay si tatay, bakit mukhang bagong labas pa
lang ang mga papel na ito? Ang alam ko rin ay namatay siya dahil sa kanyang
sakit, ngunit bakit nakasaad dito na pinatay siya?! Ano ba ang mga ito! Bakit sinasabi
ditong namatay ang aking ama dahil sa hit
and run?!” Umiyak nang umiyak ang inosenteng si Kiapry.
“Clear! Clear! Clear!” ang tanging
naririnig ni Kiapry mula sa emergency
room ng ospital. Nagunaw ang mundo ni Kiapry nang marinig ang sinabi ng
doctor, “Cause of death, excessive
bleeding due to gun shot wound. Time of death 6:03 am.”
Hindi matanggap ni Kiapry ang pagkamatay ng ina. Hindi niya mataggap
na isang bala ang tumapos sa buhay ng kanyang pinakamamahal na ina.
Marami pa sana siyang gustong itanong at linawin sa tunay na
pagkamatay ng kanyang ama, ngunit pati ang kanyang ina’y wala na.
Hindi ito maari! Hindi
ito makatarungan! Hindi… Hindi… Patuloy sa pag-iisip si Kiapry sa loob ng punerarya
hawak hawak ang balang pumatay sa kanyang ina.
Matapos ang tatlong araw ng kanyang pagkamatay, inilibing na si Ginang Pettia.
Ang tangin naroon ay si Kiapry at ang magkasintahang sina Ginang Lhorida at
Ginoong Wodeltu.
Ipinagtaka ng magkasintahan ang hindi pagpunta ni Ginoong
Throsel. Napansin ni Kiapry ang pag-aalala ng dalawa.
“May problema po ba?” tanong niya.
Pinagpasyahan ng magkasintahang huwag na lang sabihin sa
bata ang problema “Wala, wala. Nalulungkot lang kami sa pagkawala ng kaibigan
namin.”
“Nag-aalala ako sa’yo iho. Gusto mo bang tumira muna sa
amin? Walang mag-aalaga sayo” alok ni Ginang Lhorida.
“Kaya ko po mag-isa” ang magalang na tugon ng binata.
“Tawagan mo lang kami kung kailangan mo nang tulong,” dagdag
ni Ginoong Wodeltu.
“Maraming salamat po! Napakabait po ninyo sa akin,” sabi ni
Kiapry.
“Huwag na tayong malungkot!” masiglang sabi ni Ginang
Lhorida na nakapagpawi ng lungkot ng lahat, “Siguradong ang napakabait mong
nanay ay nasa langit na. Gagabay ka ng iyong nanay at tatay palagi!”
Sa pag-iisa ni Kiapry sa kanyang tahanan, ang katihimikan sa silid ay muling nagpabalik ng mga alaala nilang mag-ina.
Inalala niya ang pangako nito sa ina. Pangakong hindi niya
natupad, at kailanma’y hindi na matutupad pa, ang protektahan ito habang buhay.
Sa unang paglubog ng araw na hindi kasama ni Kiapry ang ina,
nadama nito ang labis na kalungakutan. Kalungutang tila ba inaalis siya sa
tamang katinuan at tila ba pinapatay ang kanyang tuwid na pag-iisip.
Araw gabi’y binabagabag siya ng kanyang konsensiya.
Kumuha si Kiapry ng mga larawan ng ina upang maibsan ang
lungkot na nadarama.
Maraming larawan ang ipinagtaka niya, mga larawan ng kanyang
ina na noon lang din niya nakita. Larawang kasama ang mga kababata nito.
“Sa pagkakaalam ko, tatlo lamang sila inay na magkakaibigan.
Sino itong isa?” pagtataka ni Kiapry.
Matapos ang ilang pag-iisip, niligpit ni Kiapry ang mga
larawan at nagpasiyang puntahan na lang ang lugar kung saan pinatay ang kanyang
ina.
Habang nag lalakad lakad ay mababasa mo sa mga mukha ni Kiapry ang pagtataka sa
abandonadong bahay. “Bakit mukhang pamilyar ang lugar na ito? Bakit parang
nakita ko na ito kung saan?” tanong ni Kiapry sa sarili.
Talagang bumagabag sa isipan ni Kiapry ang pamilyar na lugar
na iyon.
Sa paglillibot ni Kiapry sa lumang bahay ay may napansin
siyang makintab na bagay. “Ano itong singsing na ito? Kay nanay ata ito ah?”
sabi ni Kiapry habang pinupulot iyon.
Dinala niya pauwi ang singsing. Dali-dali siyang pumunta sa
kwarto ng kanyang ina upang tingnan kung nawawala ba ang iniingat-ingatan nitong
singsing. Laking gulat niya na ang singsing na napulot niya ay hindi pagmamay-ari
ng kanyang ina.
“Kanino kaya ito? Imposibleng kay inay ito, subalit kaparehong-kapareho
nito ang singsing ni inay,” pagtataka ni Kiapry.
Minsang kumain sina Ginoong Wodeltu at Ginang Lhorida sa kainan ni Kiapry,
napansin ni Ginang Lhorida ang singsing na nakasuot sa hinliliit ni Kiapry, “Uy
naitago pa pala ng iyong ina ang singsing naming magkakaibigan?”
“Singsing ninyong magkakaibigan? Ah, baka sa inyo po ito?”
tanong nito sa ginang.
“Ah hindi, sigurado ako doon dahil matagal nang nawala iyon
nang magswimming kami noon sa dagat. Sayang nga eh. Sobra ang iyak ko noon kaya
para patahanin ako, ibinato na rin ni Wodeltu ang kanya sa dagat. Natatangi ang
singsing na iyan sapagkat ipinagawa pa iyan sa kaibigan ng nanay ni Pettia.
Pero teka lang, hindi yan sa iyong ina? Huwag mong sabihing, kay Throsel iyan?”
tugon niya.
Ikinabigla ni Kiapry ang sinabi ni Ginang Lhorida. “Sino po
si Throsel?” tanong ni Kiapry.
“Ah hindi pa ba sa iyo naipakilala ng iyong ina? Siya ang
panganay sa aming magkakaibigan?”
“Nasaan na po siya ngayon?”
“Hindi ko na siya nakikita ngayon. Wala na rin kaming
konesyon sa kanya.”
“Ahh ganun ho ba?”
Unti-unting naliwanagan si Kiapry sa katauhan ng isa pang
batang lalaki sa larawan ng kanyang ina. Isa rin pala siya sa matatalik na
kaibigan ng kanyang ina noong sila’y bata pa.
Ang ipinagtataka niya, bakit ang singsing nito’y nasa iisang
lugar kung saan mismo pinatay ang kanyang ina.
Nang makauwi ng bahay, muling tiningnan ni Kiapry ang larawan.
“Ikaw pala si Throsel,” sabi ni Kiapry habang tinuturo nito
ang larawan. “Ikaw ba ang hampas-lupang pumatay sa aking ina?”
Muling binalikan ni Kiapry ang lugar kung saan pinatay ang kanyang ina, sa
pagkakataong iyon pumasok siya sa loob ng abandonadong bahay.
May napagtanto si Kiapry. “Kaya pala pamilyar na pamilyar
ang bahay na ito. Ito pala ang bahay na nasa larawan nilang magkakaibigan,”
malinaw na ang lahat para kay Kiapry.
Patungo si Throsel sa kanilang tagpuan, ang abandonadong bahay,
upang kuhanin ang kanyang hindi sinasadyang mahulog na alahas.
Ipinagtaka niya ang liwanag na nagmumula sa bahay. “Sino
kaya ang nasa loob?”
Laking gulat ni Kiapry nang may pumasok sa loob ng tahanan.
Namukhaan niya agad ito.
“Magandang gabi Ginoong
Throsel,” ani Kiapry habang ngumingisi.
Ang kunwari masayang mukha ni Ginoong Throsel ay napalitan
ng inis at paghihiganti “Kilala mo na pala ako Kiapry, ang anak ni Pettia, ang anak
ng pinakakinamumuhian kong tao,” sambit niya sa isang nakapangingilabot na
tono.
“Mukhang ang kriminal
ay nakaiwan ng isang napakahalagang ebidensiya” sabi ni Kiapry sabay angat sa
singsing habang ngumingisi. “Hindi ba’t sa’yo ito Throsel? Mukhang naparito ka
ata para kuhanin ito?”
Wala nang nagawa pa si Throsel kung hindi umamin “Oo! Ako
nga ang pumatay sa iyong ina!”
“Eh siraulo ka palang kaibigan!” sigaw ni Kiapry pagkatapos
ay isang malakas na suntok sa mukha ang ibinigay niya kay Throsel.
Pinagtawanan lamang ni Throsel ang binata kahit pa duguan na
ang kanang bahagi ng labi nito.
“Kaawawang bata. Gusto mo pa ba ng isang sorpresa? Ako rin
ang pumatay sa iyong ama!” bulalas ni Throsel. “Napakasama ko talagang tao
hindi ba?”
Hindi na ikinagulat pa ni Kiapry ang sorpresa ni
Throsel. Nag-amba siyang mananaksak
ngunit napansin agad ito ni Throsel kaya’t nakaiwas.
“Tandaan mo, nagawa kong patayin ang nanay at tatay mo,
kayang kaya ko ring gawin iyon sa iyo!” pagbabanta ni Throsel.
“Bigyan mo ako ng isang malinaw na dahilan bakit mo ginagawa
ito sa pamilya namin? Ano bang nagawa ng aking nanay sa iyo para pahirapan mo kami
ng ganito?” pakiusap ni Kiapry.
“Sinira niya ang buhay ng dati ay napakabait at tahimik na bata dahil sa pangmamaliit niya. Kaya heto na ako ngayon!” pagmamalaki ni Throsel sa sarili. “Hindi ko gusto ang mga taong nangmamaliit sa akin. Dapat silang maglaho sa buhay ko!”
Hindi man ninais ni Kiapry ngunit nagsimulang magkwento si
Throsel ng kanyang mga pagdurusa.
“Napakahirap ko lang noon pero ngayon isa na akong mayamang
negosyante. Subalit wala man lang ni isa sa kanila ang nagdiwang para sa akin.”
“Yan lang ba ang dahilan ng paghihiganti mo? Masyado kang
binulag ng pera,” saad ni Kiapry.
Ipinagpatuloy ni
Throsel ang kanyang kwento. “Mukha ngang napakaliit na bagay lang ng dahilan ng
pagkagalit ko sa kanya. Pero –” bumuhos ang luha ng pighati ni Throsel, “kahit
kailan hindi niya nagawang makita kung gaano ko siya kamahal. Kaibigan lang ang
turing niya sa akin at hanggang doon lang iyon. Hindi man lamang sumagi sa
kanyang isipan na balang araw bubuo kami ng isang masayang pamilya,
magkakaanak, magtatayo ng sariling bahay. Iyon ang pinapangarap ko,” ang
malumanay na tono ni Throsel ay biglang nagbago “Hindi man niya ako
ipinagtatabuyan ng deretso pero, damang dama ko na tanging pagkakaibigan lang
ang kaya niyang ibigay sa akin. Kaya’t lahat ng atensiyon ko’y ibinuhos ko na
lang sa pagpapayaman!” sinabayan ito ng nakapaninindig balahibong halakhak.
“Wala akong pakialam sa mga regalong ibinibigay niya sa akin dahil ang gusto kong
matanggap ay ang pagmamahal niya. Pero anong ginawa niya, nakahanap siya ng
iba!”
“Noong araw ng graduation
niya, dapat sosorpresahin ko siya. Aaminin ko na sa kanya ang tunay kong
pagtingin sa kanya. Bumili pa ako ng mamahaling damit para paghandaan ang
pag-amin ko sa kanya. Pero, ako ang sinurpresa niya nang ipakilala niya ang kaniyang
nobyo. Ang nobyo niyang kailan man ay hindi ko matataggap bilang kanyang
kabiyak. Kaya pinatay ko siya,” kitang kita ang sakit at pighati sa mga mata ni
Throsel. “Umasa ako na baka kahit kaunti ay may puang ako sa puso niya, pero
wala ni isa. Napakasakit! Kaya kung gaano kahirap ang aking pagdurusa, dapat
maramdaman niyo rin iyon!”
Tinutukan ni Throsel ng baril ang binata ngunit naunahan ito
ni Kiapry ng isang mabilis na saksak sa dibdib na pumatay kay Throsel.
Bumulagta sa lupa si Throsel, kasabay nito’y isang malakas
na buhos ng ulan ang dumaloy sa patay na katawan nito.
“Kahit sa paraan mang ito, mabigyan ko ng katuparan ang
pangako ko sa’yo inay,” saad ni Kiapry habang pinapanood si Throsel unti unting
mamatay mula sa dugong dumadanak sa kanyang dibdib.
Ibinaon niya sa lupa ang
balang pumatay sa kanyang ina.
Di kalauna’y tuluyan nang nawalan
ng buhay si Throsel, ang sawing mangingibig.
Bumalik sa Kalipulan ng mga Tula (Mga Malikhaing Kamay)
Bumalik sa Kalipulan ng mga Tula (Mga Malikhaing Kamay)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento